Mga Duwende sa Bayugin
NANINIWALA ba kayo sa Aswang? Sa Manananggal (hindi ng panty o kaya'y brief) ? Sa Duwende? Sa Kapre? Sa Puting Babae? Sa Tiyanak? Sa Ingkong? Mahirap paniwalaan 'di ba? To see is to believe daw kasi.
   Sa mga naging karanasan ko ay naniniwala ako (sa ilan). Oo, nakakita na ako ng duwende. Ipinatawas noon ang Tiyuhin ko sa isang Albularyo na ayon dito ay nabati raw ng duwende.
   Nakita ko sa tawas ang anyo ng isang maliit na lalake. Balingkinitan ang katawan. Nakadamit ng tulad sa isang prinsipe. Sa sapatos niya ako naniwala, 'yung medyo nakapatulis ang dulo. At ang balanggot niya ay tulad ng sa mga musketeros na hawak niya at nakaagapay sa kanyang bewang.
   Ang hitsura ng larawan ay tila ba obra ng isang pintor na gawa sa isang canvas. Muli naming ipinaulit ang pagtawas ngunit ganoon muli ang resulta.
   At bilang patunay pa, nang ipayo ng albularyo na ipaghain namin ng masasarap na pagkain ang mga "panauhin" ng tiyuhin ko pagkalipas ng dalawang araw at tatlong gabing gamutan ay nakapangingilabot ang aming nasaksihan.
   May mga nagtatawanan at may mga nagtutugtugan ng parang gitara sa aking pandinig ang ginagamit nilang instrumento ng kanilang musika at para bang nagbubuhat sa ilalim ng lupa ang mga tinig nila. Nagbiro pa nga ako na baka naman may inilagay lamang na radyo ang albularyo upang mapaniwala kami.
   Inalok naman ng Albularyo ang mga Lolo at Lola ko na kung gusto raw nila ay ipapakita nito sa kanila ang nais nilang makita. Ngunit nangakatakot silang lahat.
   Ako ang nagnais na makakita ngunit sabi ng Albularyo ay wala pa daw ako sa wastong edad (nasa edad-sampu pa lamang ako noon) upang kayanin ang sitwasyon kung saka-sakaling makita ko ang mga duwendeng panauhin ng aking tiyuhin. Hindi raw kasi siya sigurado kung anong klase ng duwende ang panauhin ng Tiyuhin ko. May roon daw kasing Puti at Itim. Baka daw mapahamak pa ako kapag nagkataon. Puro sa tinig pa lamang daw kasi nag-uusap ang Albularyo at ang mga duwende. Ng gabing iyon pa lamang sila magkakausap ng personal kasabay ng pag-aalay.
   Ang istilo pa ng bahay namin noon ay yari pa sa lumang uso. May hagdan na kawayan at batalan. Sa may likuran ng batalan naroon ang puno ng bayugin namin. Doon nagmumula ang mga tinig na narinig namin. Pinatunayan na rin ng ibang saksi sa lugar namin na may napapansin talaga silang kakaiba at minsan ay kakatwa sa may bayugin na iyon.
   Nakaipon ang mga magulang ko, Tuyahin at iba pang tiyuhin pati Lolo at Lola sa batalan at pasilip-silip lamang sila sa sala-salang dingding at inaaninag ang Albularyo na nakikipag-usap sa mga duwende at nag-aalay ng pagkain sa ilalim ng puno ng bayugin.
   Nakaplano na talaga ang pag-aalay na iyon dahil sa unang gabi pa lamang ng gamutan ay binilinan na ng Albularyo ang mga Duwende na tutubusin ng 'Alay' ang katahimikan ng aking Tiyuhin.
   Kami namang mga bata ay binawalan na magsilabas ng kuwarto dahil mas 'batiin' daw ang bata lalo na sa mga duwendeng puti.
   Tumagal din ng ilang minuto ang paghahandog ng mga pagkain. Nang bumalik ang Albularyo ay nag-usap sila ng mga Olds ko. Ewan ko kung ano ang pinag-usapan nila subalit kutob ko na tungkol iyon sa kasunduan ng mga duwende at ng Albularyo.
   Ilang minuto pa at ipinarinig ng Albularyo sa mga Olds namin ang pagsasaya ng mga duwende. Lalong naging masigla ang tugtugan at tawanan sa ilalim ng puno ng bayugin.
   Inaaya naman ng Albularyo ang mga Olds ko upang maniwala silang totoo ang mga naririnig nila, isa pa ay ihiningi naman ng Albularyo ng permiso sa mga duwende ang mga Olds ko na makita sila kahit saglit, ngunit napangunahan na naman sila ng takot sa katawan at nagtuturu-turuan kung sino ang sasamahan ng Albularyo. Walang nagnais makakita.
   Pagkaraan ng isang oras, pasado alas-dose ng hating-gabi, nawala na ang ingay ng kasayahan sa ilalim ng puno ng bayugin. Naging tahimik nang muli ang paligid sa likod-bahay namin.
   Ipinakuha sa mga Olds namin ang mga pagkain na ihinain ng albularyo. Noon ko nakita ang mga pagkain na inialay at sinasabing masasarap. Pangunahin ang latik ng niyog na paborito raw ng mga duwende ang amoy nito. Meron din mga atay ng manok na pinakuluan lamang sa tubig at walang iba pang sangkap na inilagay. Ganoon din sa mga karne ng manok na tila ba binalahibuhan lamang at pinakuluan sa tubig. Wala ring ibang sangkap na inilagay. At marami pang iba na wala man lang kabawas-bawas. Kaya nagdalawang isip ang ilan sa amin kung totoo ngang kinain ng mga duwende ang mga iyon o kung totoo ngang may duwende roon sa ilalim ng bayugin na nagkainan.
   Sa latik kami nagtaka dahil parang kinalahig ng manok sa pinggan. At ang atay ng manok ay napansin namin na may mga kurot o ukit sa mga gilit na tila ba kinagat ng isang maliit na hayop.
   Ang mga malalakas ang loob sa amin ay iniluto muli ang mga natirang pagkain dahil sayang naman daw. Ang iba ay ayaw dahil baka daw may engkanto na dahil nagalaw na ng mga duwende.
   Malakas ang loob ko kaya kumain din ako pagkaluto. Sarap naman ng ginawang luto nina Nanay. May adobo at may sinampalukan sa usbong ng dahon ng sampalok. Ngunit ang pinakagusto ko ay ang latik.
   Habang kumakain kami ay nakatuon ang mga tenga ko sa pinag-uusapan ng Albularyo at mga Olds namin. Sinadya ko talagang doon pumuwesto ng upo malapit sa kanilang kinalalagyan.
   Ayon sa Albularyo, nalaman ko na tinanggap ng mga duwende ang alok na lulubayan nila ang Tiyuhin ko kapalit ng Alay. Totoo rin pala ang sinasabi ng Tiyuhin ko na binibigyan siya ng mga iyon ng 'galing' sa panggagamot ngunit tinanggihan niya.
   Nakagaanan daw kasi ng loob ng mga duwende ang Tiyuhin ko dahil mabait naman daw at ang isa pang dahilan ay ang pagtambay-tambay niya sa ilalim ng punong mangga kapag nagpapalipas ng oras sa paninigarilyo. Magkatabi lamang ang puno ng mangga sa puno ng bayugin doon.
   Nang mga panahon kasing iyon ay nakakakita na at nakakaramdam na ng kakaiba ang Tiyuhin ko. Tulad ng kapag kasama niya akong kumukuha ng kalabaw sa bana ay parang takot ang kalabbaw na dumaan sa gubat na humaharang sa bakuran namin at sa bana na sugahan ng kalabaw.
   Magkaangkas kami ng Tiyuhin ko sa likod ng kalabaw at tatakbo iyon ng matulin kapag bumagtas kami sa loob ng gubat at kusa namang hihinto sa may talian nito.
   Makikita mo talagang takot ang kalabaw namin dahil nakaangat ang buntot niya at kumukuwit. Nanlalaki rin ang mga mata niya.
   May pagkakataon naman na ang mga manok na alaga ni Nanay ay magsisiakyat sa puno ng mangga sa tabi ng puno ng bayugin at magpuputakan sa katanghaliang tapat. Kapag ganoon daw ay may nakikita sa lupa na ibang nilalang ang mga manok at nangangatakot.
   Pinatotohanan din ng kapatid ng Lola ko na may litaw nga sa bakuran namin ng magtayo siya ng kubo sa tabi ng bayugin. Hating gabi daw noon at may lumalagaslas sa bubong ng kubo niya. Ng dungawin niya sa bintana ay nakita niya ang mga dulo ng sanga ng bayugin na kumikiskis sa bubong ng kubo ngunit wala namang malakas na hangin.
   Ganoon nga, Ayaw tanggapin ng Tiyuhin ko ang alok sa kanya ng mga duwende at mabuti naman dahil tinanggap na nila ang alok din namin na pag-aalay katumbas ng katahimikan ng Tiyuhin ko.
   Nalaman ko rin ng hating-gabing iyon sa pinag-uusapan ng Albularyo at mga Olds ko na isang purok pala ng mga duwende ang nakatira sa puno ng bayugin namin. Sa kabilang pulo naman, sa gawing itaas ng bakuran namin ay may isang purok din ang mga duwende. Bale sa limang purok sa lugar namin ay may lima rin daw purok ang mga duwende. Sabi pa ng Albularyo na kung gaano daw kadami ang tao ay ganoon din daw kadami ang populasyon ng mga duwende na naroon sa underworld. Hindi nga lamang daw niya alam kung alin doon ang pinaka-kaharian ng mga ito.
   Doon sa isang purok na tinutukoy ng Albularyo ay malapit sa bukid na sinasaka namin. Marami ngang punso doon at may mga lugar na umaamoy patis. Pag ganoon daw ay may nakatira sa lugar na iyon. Napatunayan na 'yon ng Lola ko dahil kasama niyang napadaan doon ang pinsan niya at may bumabalibag daw sa kanila ng tiningkal (buo-buong lupa na sinlaki ng pandisal). Sa lugar ding iyon naghahalaman ng sitaw ang pinsan naman ng Lolo ko na sinasabing sa tuwing umaga ay basa ang lupa na may tanim na sitaw at para bang diniligan ng tubig. Hindi naman umuulan ng mga panahong iyon at panahon pa ng tag-tuyot. Buwenas ngang magtanim ng halaman ang pinsan ng Lolo kong iyon dahil laging malaki ang kinikita.
   Doon din sa lugar na iyon may nambabalibag ng tiningkal sa sino mang makatuwaan ng mga duwendeng bantay ng mga halaman ni Nasirang Simeon, ang pinsan ng Lolo ko.
   Marahil, sa henerasyon natin ngayon ay mahirap nang paniwalaan ang ganitong mga kuwento lalo pa sa mga nagsilaki sa Lungsod at ngayon pa na Computer Age na nga naman tayo.
   Magdadalawang dekada na ang nakararaan sa mga naging karanasan namin na ito ngunit hanggang ngayon ay buhay pa rin sa isipan ko na may mga nilalang pa rin na hindi natin nakikita ngunit nakikita tayo.
   Inaamin ko, lumaki ako sa bukid at sanay akong lumakad ng nakatapak sa gubat kahit na dito na ako naninirahan, nagkapamilya at naghahanap-buhay sa Maynila pero hindi ko maiwawaksi sa isipan ko na meron ngang kapre, tyanak, duwende, puting tao tulad ng white lady, tikbalang at kahit na anong klaseng supernatural na may nagpatotoo ay tiyak na papaniwalaan ko.
   Dahil ako mismo ay nilitawan na rin at nakapagpatotoo.

Go to Ikaapat na Kuwento
Return to Main Page Return to Maikling Kuwento Directory
Back to Ikalawang Kuwento